Bilang tugon sa imbitasyon ni President Russell M. Nelson, basahin kung paano pinipili ng mga Latter-day Saints na manaig ang Diyos sa kanilang buhay.
Kahit na matagal na itong lumipas, hindi pa rin mapagsidlan ang aking kagalakan kapag naaalala ko kung paano nabago ng pagdarasal ang buhay ng aming pamilya. Nasa Grade 5 lamang ako noong nalaman namin na may goiter si mama. Kaming dalawa lang ang kasama ni mama sa bahay dahil sa Thailand nagtatrabaho si papa. Nagdadalawang-isip po kami kung ipapaoperasyon o idadaan sa gamutan, pero nagdesisyon po kami na tahakin ang una.
Tatagal lamang dapat ng tatlong araw ang operasyon, ngunit dahil sa komplikasyon dulot ng pneumonia ay umabot ng 11 araw ang pananatili ni mama sa hospital. Labis ang pagaaalala naming magkapatid dahil dalawa sa mga araw na iyon ay na-comatose si mama. Wala kaming magawa ni ate kundi ang ibalita ang pangyayari kay papa. Hindi rin masigurado ni papa ang gagawin dahil malayo siya. Dahil sa mga bata pa kami, tanging sa paghagulgol na lamang namin nailalabas ang bigat ng sitwasyon na aming kinakaharap.
Isa lang ang sumagi sa isip namin sa mga oras na iyon—ang magdasal. Pagkagaling sa eskwela ay sabay kaming lumuhod at nanalangin sa Diyos. Una sa mga hiling namin ay ang maligtas ang aming ina sa bingit ng kamatayan.
Tunay nga na makapangyarihan ang dasal! Pagsapit ng madaling araw ay dumating na si papa. Isa pang malaking ginhawa ang aming nadama nang maibalita sa amin na tuluyan nang nakarecover ang aming ina sa kritikal na kondisyon.
Dahil sa karanasang ito, napatunayan ko na hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Ama sa Langit. Gaya ng sabi ni President Russell M. Nelson, “let God prevail in your life.” If you pray sincerely, miracles will come. It was a miracle for me and my family na binigyan ng second life ang aking mama.
Charlotte J. Arensol