Si Quinn Price ay ganap nang bulag mula sa edad na dalawang taon.
Sinabi ng taga-Utah at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nadarama niya na binigyang-kakayahan siya na lubos na makabahagi sa kanyang pananampalataya dahil sa maraming online disability resources na nailaan ng Simbahan sa ChurchofJesusChrist.org at sa pamamagitan ng Gospel Library app.
Sinabi ni Price na karaniwan niyang ginagamit ang Gospel Library app para mahanap ang mga materyal ng Simbahan na nailathala sa electronic Braille — isang resource na nagpadama sa kanya na maaari siyang “makapag-ambag nang mas epektibo bilang miyembro ng Simbahan.”
“Bago pa ako isinilang naging posible nang ma-access ng mga bulag na tao ang maraming klaseng materyal ng Simbahan,” sabi ni Price. “Gayunman, tiwala ako na hindi ito gayon kadali. Ang resources na ito ay naging napakalaking tulong sa aking personal na pag-aaral ng ebanghelyo, pati na sa paghahanda kong magturo sa mga klase at magbigay ng mga mensahe sa Simbahan.”
Ang Simbahan ni Jesucristo ay may kasaysayan ng pagsisikap na ipaabot ito sa lahat ng may pisikal, mental at emosyonal na mga pangangailangan. Ang mga pagsisikap kamakailan ay nagpadali sa paggalugad sa Disabilities.ChurchofJesusChrist.org sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga bahaging may kaugnayan sa ilang grupo ng mga tao at partikular na mga paksa.
Kasama sa mga bahagi ang:
Ang mga bahagi ay maaaring maglaman ng mga banal na kasulatan, mga sipi mula sa mga lider ng Simbahan, mga kasangkapan sa pagtuturo, mga bagay na madalas itanong at mga video na nagbibigay ng pag-asa, pananampalataya at kaliwanagan sa lahat ng may kapansanan mismo o sa mga may personal na kaugnayan sa isang taong may kapansanan.
Sinabi ni Katie Steed, disability specialist manager para sa Simbahan, na ang Disabilities.ChurchofJesushrist.org website ay tumutulong sa Simbahan na maisakatuparan ang pangarap nito, na “tulungan ang mga miyembrong may kapansanan at kanilang pamilya na maging kabilang, makapag-ambag at umunlad.” Sa halip na magtuon sa mga pangangailangan ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan, sinabi ni Steed na ginagawa nila ng kanyang team ang lahat para tugunan ang mga pangangailangan ng “isa.” Nangangahulugan ito ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mas maraming indibiduwal kaysa maaaring inaakala ng mga tao, paliwanag niya.
Sinabi ni Steed na natukoy sa pinakahuling census sa Estados Unidos na 19.6% ng populasyon ang may kapansanan. “Kaya, kung isasalin natin iyan sa kabuuang bilang ng ating mga miyembro ng Simbahan,” pagpapatuloy ni Steed, “isa sa bawat limang miyembro ng Simbahan ang may kapansanan.”
Sa pamamagitan ng website nito at ng app resources, inaasam ng Simbahan na tulungan hindi lamang ang mga may kapansanan, kundi pati na ang mga lider ng Simbahan, magulang at iba pa sa tools, resources at mga materyal na magpapasigla at espirituwal na magbibigay-liwanag sa lahat. Kahit maraming resources para sa mga bulag at bingi, mayroon ding resources para sa pagtulong sa mga indibiduwal na may autism, Down syndrome at iba pang mga kapansanan.
Pagtataas ng Tinig
Ang resources ay matatagpuan sa ilalim ng Disabilities sa bahaging Life Help ng website ng Simbahan at sa Gospel Library app. Lahat ng resources ay batay sa pananaliksik at inaprubahan ng mga boluntaryong bingi, bulag o kaya nama’y magulang ng isang batang may kapansanan o may propesyonal na karanasan sa larangan ng kapansanan. Mahigit dalawang taon na ang nakalipas nang simulan ng disability team sa headquarters ng Simbahan na kausapin ang mga boluntaryong ito para maglaan ng makabuluhang mga mungkahi at feedback tungkol sa tools at resources na inilalaan ng Simbahan para magamit ng publiko.
“Sinisikap naming huwag gumawa ng mga palagay tungkol sa gusto ng mga tao,” sabi ni Steed. “Lahat ng ito ay batay sa isang karaniwang sawikain sa larangan ng mga kapansanan na, ‘Walang Anumang Dedesisyunan tungkol sa Amin nang Hindi Kami Kasama.’ Gusto nating itaas ang kanilang tinig. Kaya, titingnan natin ang pananaliksik, at pagkatapos ay kakausapin natin ang ating mga miyembro upang matiyak na talagang pinakikinggan at tinutugunan natin ang kanilang mga pangangailangan.”
Ang pilosopiyang ito, pati na ang patuloy na pakikinig sa mga tinig ng iba, ay tumutulong na mapagtuunan ang mga problema na maaaring nabalewala o hindi napansin dati.
“May ilang bagay na naipaalam sa akin na hindi kailanman maipapaalam nang walang tulong ng damdamin ng isang ina na nagsasabi sa akin tungkol sa mga pangangailangan ng kanyang anak,” sabi ni Steed. “Mahirap makita ang mga kabatirang iyon kung hindi ka nakikinig.”
Sinabi niya na umaasa siya na sasamantalahin ng mas maraming tao ang resources na nailaan ng Simbahan at mauunawaan na sinisikap ng Simbahan na siguruhin na nadarama ng bawat tao na pinakikinggan sila: “Ginagawa natin ang lahat para tulungan ang lahat ng anak ng Diyos,” wika niya.
Bisitahin ang ChurchofJesusChrist.org/life/disability para malaman ang iba pa tungkol sa disability resources ng Simbahan. Makukuha rin ang resources na ito sa inyong mobile device sa Gospel Library app.