Bilang tugon sa imbitasyon ni President Russell M. Nelson, basahin kung paano pinipili ng mga Latter-day Saints na manaig ang Diyos sa kanilang buhay.
Bakit kaya kami pa ang napiling dumaan sa pagsubok na ito, kahit na masigasig naming ipinapamuhay ang mga kautusan ng Diyos?
Taong 2019 nang mabalot ako ng katanungang ito. Bago pa man, masaya ang aming pamilya na nagsusumikap na isentro ang Panginoon sa aming pang araw-araw na gawain. Ngunit nang sumapit ang taong ito ay isang malaking dagok sa aming pananampalataya ang dumating.
Nag-umpisa ito noong namasukan ang aking mama bilang domestic helper sa Saudi Arabia noong Hulyo. Makalipas ang ilang buwan ay nagkasakit siya, na mas pinalala pa ng pagpapabaya ng kanyang amo sa kanyang karamdaman. Hindi man lang siya pahintulutan ng kanyang amo na magpacheckup. Bagama't gusto naming umaksyon ay wala kaming magawa dahil malayo siya sa amin. Labis na nagdulot ng pag-aalala ito sa amin dito sa Pilipinas.
Ako ay lubos na nabagabag sa suliraning ito. Bilang panganay sa aming magkakapatid, ako ang inaasahang umintindi sa sitwasyon ni mama. Hirap akong ipabatid sa aking mga kapatid ang totoo. Ngunit hindi ko mapigilan ang maluha sa dami ng mga suliranin na nakapasan. Si mama ay isang matapat na miyembro ng Simbahan. Ginampanan niya nang husto ang kanyang pagiging Relief Society second counselor bago niya lisanin ang bansa.
Sa gitna ng lahat, pinilit kong pagsabayin ang mga responsibilidad sa bahay at Simbahan. Sa mga piling pagkakataon, isiningit ko ang pagproseso ng mga papeles sa Overseas Workers Welfare Administration sa pag-asang matulungan nilang makauwi ang aking mama. Nagdiriwang man kami ng Pasko at Bagong Taon, ngunit hindi ko na napigilang umiyak sa dami ng suliraning nakapalibot sa akin. Ang bigat ng mga dalahing ito ay umuusig sa akin na bumitaw sa aking pananalig sa Diyos.
Imbes na magpatalo sa aking nararandaman, mas pinili ko ang lumuhod at magdasal sa Kanya. Dito ko narandaman ang kasiguraduhan, ang tiwala sa plano Niya para sa akin at sa amin. Sinimulan ko muli ang paggawa ng aking Personal Progress at pag-attend ng seminary class. Buwan-buwan rin akong nag-aayuno para mapabuti ang kalagayan ni mama.
Naging malinaw lang ang lahat sa akin sa pagdating ng pandemya. Nawalan ng trabaho ang aking papa. Marahil kung napauwi agad si mama ay hindi namin alam kung paano makakaraos sa araw-araw. Pagkatapos ng matagal na paghihintay, ay naging malinaw ang sagot ng ating Ama sa Langit sa aking mga tanong.
Uuwi na si mama ngayong buwan at isang hamon nanaman ang susubok sa aming katatagan. Habang ako ay naghahanda na tumungo sa mission, na-diagnose ako na may maliit na bukol sa right breast. Bagama't malabo para sa akin kung bakit ngayon pa lumitaw ang suliraning ito, isa lang ang malinaw na sagot para sa akin—kinakailangan kong magtiwala sa aking Ama sa Langit.
Angelica B. Sinlao
San Fabian 1st Ward, Mangaldan Philippines Stake